Dahil sa pandemya na dumating at patuloy na nananalasa hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo, nararapat lamang ng patuloy na maging masaya at bigyan ng kulay ang bawat araw na darating sa ating buhay. Lamang din ang isang batang tulad mo na may alam sa mga bagay na dapat gawin upang mapanatili ang kaligtasan mula sa CoViD-19. Ang “Si Bugoy at ang kaniyang Mahiwagang Amoy” ay kuwentong kapupulutan ng aral sa buhay. Aral na ang kaligayahan ay hindi nasusukat sa ganda at kaayusan kundi pati sa mga bagay at lugar na hindi mo inaasahan. Aral na sa kabila ng kapayapaan ng iyong kaisipan ay dapat maging laging handa sa anumang bagay. Aral na dapat ikaw, maging bata man o matanda ay ang siyang may hawak ng iyong kaligtasan mula sa anumang kaganapan. Ang kuwentong ito ay isinulat para maging kagamitan sa pagbubukas ng kamalayan ng mga kabataan sa pandemya na ating hinaharap, na sa kabila ng pagiging kampante natin ay dapat maging alerto tayo at isipin lagi na nasa paligid lang ang CoViD-19. Maraming buhay ang binago ng pandemya, dapat lamang tayong maging handa. Ang libro na ito na akda ni Ginoong Brendel Ugao-Ugao ay akma sa mga mag aaral mula sa elementarya at sa mga taong naging bahagi ng pagbabago dahil sa pandemya. Kaya ano pa ang hinihintay mo, buklatin mo na ang libro at simulan ng kilalanin si Bugoy at ang kaniyang Mahiwagang Amoy.